Tahimik akong nakaupo sa sulok, taimtim na nanalangin na sana lahat ng bangungot ng nakaraan ay tuluyan na akong lulubayan.
Agosto noon, nang malaman namin ang kondisyon ni Mama. Hindi ko pa alam noon kung anong gagawin, kung sasabihin ko ba ito sa kanya o, hahayaan ko na lang na mabuhay siyang walang ideya sa kung anong nangyayari sa kanya.
"Nanay, asan ho ang asawa niyo?"
"Wala na po. Siya po ang panganay kong anak." Sabay turo saken ni Mama, ako naman namumutlang nakatingin sa Dr. Walang nabuong ideya sa utak ko, naririnig ko na lang na mas malakas pa yung kabog ng dibdib ko kesa sa boses ng Dr. at ni Mama. Umupo ako at sumandal sa pader. Iba ang tinatakbo ng isip ko ng mga sandaling iyon. "Iha, kakausapin kita mamaya ha. Sabayan mo ko paglabas." Sabi ng lalaking, Dyos sa paningin ko noong mga panahong iyon. Eh kasi nakaputi si Dok, at maamo ang mukha. "Opo" agad kong sagot. Hindi na ko pinatahimik ng naturan nyang salita. Kinati nito ang mga kaugatan ko sa noo at kinalikot ang lahat ng nerbiyos na meron ako sa katawan. Alam kong may mali eh, alam ko yung mga linyang yun. Pamilyar saken, bilang tagapanood ng mga telenobela sa telebisyon. Hindi ko din kayang dayain ang sarili ko na wag magisip ng kung anu-ano, kasi hindi ko na pepwedeng idaan sa ngiti ang lahat ng nangyayari. Alam ko pangit man ang iniisip kong ideya, malaki ang posibilidad na mangyari yun. Hanggang sa hindi ko na malaman kung ano ang gagawin ko. Kung wag ko na lang bang kausapin si Dr Kintanar o bahala na. Bago ko lumabas ng kwarto, tanda ko yung mga tingin na ipinukol sakin ni Mama bago ko tinungo ang pinto. Gustohin ko man na bumalik at akapin siya at mahagkan para maramdaman nyang magiging maayos ang lahat pero hindi ko nagawa. Selfish ako eh, ayokong nakikita nya na nahihirapan ako. Ayokong ipasa pa sa kanya ang anumang pangit na saloobin. Ayokong makadagdag yun sa sakit na nararamdaman nya kasi alam kong nahihirapan na rin siya. Lumabas ako at inakbayan ako ng Doktor. Akala ko aalukin nya ko ng indecent proposal. Joke. Tumungo kami sa nurse station at yung mga nurse parang binayaran sa pag-acting. Lugmok ang mga mukha. Malungkot. Hindi maipinta ang mga pagmumukha. Para bang ipinahihiwatig na nila saken ang masamang balita. Di na ko nagpaligoy ligoy pa. "DOK KAMUSTA HO ANG MAMA KO?" Ang lalim ng sagot nya. Buntong Hininga. Sabay abot ng chart ni Mama "Basahin mo Iha." Binasa ko ang resulta ng kanyang "Peripheral Smear." Umislow-mo ang lahat at sinabayan ng pagbabasa ng mata ko ang tenga sa pakikinig sa utal na si Dok. "Pinagawa ko ang test na yan sa Mama mo, para malaman ko kung anong uri ng anemia meron siya. Pakibasa ng malakas." Utos niya. Binasa ko ng malakas yung puro medical word na resulta. "Possible Lymphocetic Leukemia" Leukemia. Leukemia. Leukemia. Cancer sa dugo. Nanginginig yung kamay ko, pinilit kong umayos at maging poise, ayokong ngumawa na parang baka, kahit yun talaga ang gusto kong gawin nung mga oras na iyon. Ayoko na mahinga. AYOKKOOOOO NAAAAA. sabi ng utak ko. Umiyak ako ng with poise. Pinahid ko yung mga luha ko saka ibinalik yun chart.
"Dok. Anong pwedeng gawin? Papano na? Dito muna kami or ididischarge mo kami? Si Mama ang alam nya, makakauwi na siya sa linggo eh."
"Oo pauuwiin ko kayo. *insert pilyong ngiti* I will refer you to Davao Medical Center, you bring your Mom there and they will take care of her."
"Dok. HIndi ako naniniwala dyan sa lab result. Pwede po ba second opinion?"
"Mas mabuti. I think it would be much better if you will try to consult a hematologist"
"Sige po Dok."
Umalis ako sa harapan nya at ng mga nurse na walang gatol. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Iyak ako ng iyak sa harap ng pintuan ng silid ni Mama. Para bang nalaglag saken balikat ko ang mundo. Seryoso. Nag-ayos ako ng sarili at pumasok sa loob ng kwarto ni Mama. Si Mama alam na wala ako sa mood. Yung mata nya hindi makatingin saken. Ako naman parang si tanga pinipilit ngumiti. "Lalabas na raw tayo sa linggo Ma, sa wakas. Kakain tayo Durian. Kadayawan eh, punta tayo Davao." Naiyak ako sa harapan nya ng dapat ay hindi. "May ipabibili ka ba Ma?" Lumapit ako at inakap ko siya ng mahigpit. Putang ina din talaga nitong katawan natin eh no? Alam kong kelan reresponde sa stressor eh. Humihikbi ako habang pinupunasan ko ng kunyari yung likod nya. "Gusto mo orange Ma?" simula noong mga panahon nya para ko na siyang baby. Nagpalit kami ng role sa buhay. Ako yung nanay nya, siya yung anak ko. "Ai, kung anuman yang iniiyak mo, wag mong sasabihin sakin anak, ayoko makarinig ng pangit na salita." Katahimikan. Nanginginig pa rin yung kamay ko habang inaayos yung buhok nya. Naisip ko hindi ko kakayanin magNurse sa sarili kong ina. Marupok ako. "Wala Mama ah. Bibili na kita muna ha.. Freshmilk lang ba saka orange?" "Grapes din" yun lang ang sagot nya.
Paroon at parito ang utak ko, kasabay ng mabilisan kong paglalakad palabas ng kwarto nya. Naguunahang mahulog ang mga luhang kanina ko pa pinipilit na wag iiyak sa harapan ni Mama. Sinalubong ako ng isa nyang kapatid sa daan.
"Ano na Ai? Si Mama mo?"
"Tara kol, samahan mo muna ko. Kain tayo" Pabiro kong sinabi sa kanya. Hinatid nya ko sa Mall. Habang nasa daan, iyak na ako ng iyak habang kinekwento sa kanya ang kondisyon ni Mama. Tinanong ko siya kung anong dapat gawin pero ang sabi nya lang "tanungin mo din yung iba mong tyahin. wag na wag mong sasabihin sa nanay mo yung kalagayan nya"
Naglalakad akong lutaw ang cleavage este ang kaluluwa. Hungkag ang pagkatao. Maga ang mata. Di malaman kung kakampi ko pa ba ang mundo o talagang mula nung ipinanganak ako kasabay ko na rin ipinanganak dito sa mundo ang kamalasan.
Pinagtitinginan ako ng lahat ng taong nakakasalubong ko. Siguro inakala nilang mestisang baliw ako na nakalabas sa mental at naligaw sa mall para mag-amok. Totoong gusto kong mag-amok. Sobrang sakit sakit sakit sakit na para bang gusto ko na ring ilibing ang sarili ko ng buhay. Para kong robot na umiiyak. Pahid ng pahid ng luha. Walang direksyon ang paglalakad. Nakakabuwisit lahat ng tao na nakikita kong masaya. Naiingit ako sa mga batang kasamang naggogrocery yung nanay nila. Naalala ko kami ni Mama, kapag namamalengke, kapag nagkekwentuhan, kapag chinichika ko sya habang ako'y sinesermunan nya. Iniisip ko kung magagawa pa ba namin yun. Iniisip ko kung hanggang kelan kaya si Mama si mundo.
Bumalik ako sa hospital na hindi ko alam kung papano ko haharapin si Mama nang hindi naiiyak. Pagbalik ko, nagtatanong yung nakakabata kong kapatid kung napano si Mama, di ko sinasagot. Tanong siya ng tanong. Pagbalik ko, nadatnan ko si Mama na nakaoxygen na. Tapos nung pagbukas ko ng pinto umiiyak siya, kasi gusto nyang ipatanggal yung oxygen nya. Ipinatanggal ko sa mga nurse at nakatulog siya ng mahimbing. Hinila ko si Nen sa banyo, at doon ko sinabi ang lahat "Nen iiyak na natin lahat..para mamaya pagkanagising si Mama wala ng luhang papatak." Para kaming tanga sa loob ng banyo, pinatatahan ang bawat isa....
Parang ngayon lang din.... Habang ginagawa ko to.... Pinatatahan ko si Nen, na umiiyak habang ako naman ay pinatatahan nya rin.
Ayoko na sanang balikan pa ang mga iyon, pero andito sila sa utak ko. Minumulto ako ng bangungot na yun.
Kelanman hindi mapapantayan ang pagmamahal ng isang Ina para sa kanyang mga anak. Naalala ko yung huling mga salitang nabitawan ni Mama noong medyo malakas lakas pa siya at maayos pang magsalita. "Ai, wag mong dinadaan sa iyak ang lahat. Hindi sagot yang luha mo sa problema.... Ayokong nakikitang umiiyak ka." Matapang si Mama iyon ang ugaling hindi ko namana sa kanya. Sa bawat pagkakataong kinukuhanan siya ng dugo para gawing sample hindi mo makikita yung mukha nyang nangingiwi. Nakatingin lang siya sa malayo..Payapa.. Nakukuha nya pang magpatawa sa kabila ng kalagayan nya.
Pasensya at ubod ng haba itong naitype ko. hehe.
Sabi ko nga doon sa journal ko... "DIbaleng ilang gabing pagpupuyat ang abutin ko. Di bale nang humiga ako sa labas ng ICU at mapapak ng lamok. Dibale ng magkandakuba ako, kakapalit ng diaper ni Mama, gagawin at gagawin ko. Maipadama ko lang muli sa kanya kung gano ko siya kamahal. Maibalik ko lang ng kahit kaunti yung ginawa nyang pag-aaruga samin..
Sa bawat taong naliligaw dito sa blog ko, mahalin nyo ang mga magulang nyo habang naririyan pa sila. Ipakita nyong hindi sila nagkamali nung buhayin nila kayo sa mundo.
Mahal na mahal ko si Mama at namimiss ko siya. :)
***paumanhin sa napakaraming typographical error. nakakapagod magedit eh. mwah.
No comments:
Post a Comment